Ryan Paglinawan
  • Sex: Male
  • Occupation: truck driver, parking boy
Incident Details
  • Date of Incident: January 22, 2018
  • City of Incident: Manila
  • Province of Incident: Metro Manila
  • Killed in police operation
Source(s)

Patay ang tatlong umanong drug pusher sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Manila police sa Tondo noong Lunes ng tanghali.

Sa isang parking lot ng mga trucking companies sa Moriones, Tondo nangyari ang operasyong kumitil sa buhay nina John Rey Mascardo, Arnel Torres, at Ryan Paglinawan.

Pawang mga truck driver at kamador o nagsasakay at nagbubuhat ng mga kargada sa truck ang mga nasawi.

Ayon sa pulisya, sangkot sa droga ang tatlo at sa loob ng truck umano nangyayari ang bentahan ng ilegal na droga.

May impormasyong ding natanggap ang mga tauhan ng barangay na may bentahan umano ng droga sa pagitan ng ilang tauhan sa lugar.

Nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon sa operasyon kaya nagkaroon ng engkuwentro.

“‘Yung mga sirang truck doon sila nagco-conduct ng mga bentahan at ginagamit na rin nilang pot session,” ani Senior Inspector Moises Reyes, punong imbestigator ng pulisya sa Moriones.

“Nung bumili ‘yong operatiba namin ng shabu, nakahalata ‘yong isa kaya nag-retaliate ang aming operatiba,” kuwento ni Reyes.

Pero reklamo ng kaanak ni Paglinawan ay hindi naman umano armado ang lalaki.

“Paano po siya makakabili ng baril bilang isa lang po siyang parking boy?” ani kapatid ni Paglinawan.

Batay sa intelligence report ng pulisya, nasa drugs watch-list ang tatlong napatay.

Nakuha sa pinangyarihan ang isang granada, isang silencer, isang kalibre .45 na baril, dalawang kalibre .38 na baril, at 10 sachet ng shabu.

Patuloy naman ang follow-up operation sa higit 10 pang kasamahan ng mga nasawi.

— Ulat nina Zyann Ambrosio at Oman Bañez, ABS-CBN News