Tungkol sa Website
Ang website na ito ay pag-aalala at pakikiramay para sa ating mga kababayan na pinaslang sa panahon ng “laban kontra-droga” na nagsimula noong Mayo 2016; isang paggunita para sa mga binawian ng buhay sa pamamagitan ng dahas na syang naging palatandaan ng naturing na polisiya.
Ang giyera kontra-droga ay patuloy na nambibiktima, numero na lang ang naihahayag tungkol sa karahasan, mga engkwentrong nauwi sa barilan, o mga bangkay na natatagpuang nakaratay sa mga bahay at kalye.
Wag nating kalimutan na ito ay mga buhay na nasiwi; mga biktima na minamahal at niluluksa, mga kapwa na may mga anak, magulang, asawa, at mga kaibigan.
Naniniwala kami na ang dapat nating pinaglalaanan ng pansin ay ang mga indibidwal na biktima at hindi lamang ang insidente. Kilalanin kung maari ang kanilang makabuluhang buhay at hindi lamang ang dahas ng kanilang pagkamatay, o ang mga haka-haka na katuwiran kung bakit sila napatay.
Gabi-gabi sa balita napapanood natin ang mga ulat ng mga biktimang patay sa kalye o sa kanikanilang mga tahanan. Ang kanilang pagkamatay ay bilang na lamang, madalas walang mukha, minsan walang pangalan — walang pagkatao at walang katuturan.
Nakikiramay po kami. Hangad namin ay huwag maglaho ang ala-ala ng mga biktima, ang kanilang mga naiwan at ang kanilang mga nasawing pangarap. Nais din naming maiwasto ang kanilang karangalan: simulan natin sa pamamagitan ng pagkilala sa bawat isang biktima.