Paulino Vega
  • Sex: Male
  • Occupation: barangay tanod
Incident Details
  • Date of Incident: August 10, 2018
  • City of Incident: Mandaue City
  • Province of Incident: Cebu
  • Killed by unknown assailants in public
Source(s)

Patay ang isang tanod na sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na droga nang barilin siya ng salaring nakamotorsiklo sa Cebu. Sa Pampanga naman, binaril at napatay ang isang konsehal habang nagja-jogging.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News “Balita Pilipinas” nitong Miyerkoles, kinilala ang pinaslang na tanod na si Paulino Vega, habang pauwi sa Barangay Cubacub sa Mandaue City, Cebu.

Ayon sa mga awtoridad, sangkot sa pagtutulak ng droga si Vega at malapit din umano sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong pagkakautang bilang motibo sa pamamaslang kay Vega.

Samantala sa Barangay Sta. Lucia, Pampanga, binaril at pinatay habang nagja-jogging noong Sabado si Sasmuan Councilor Jesus Angeles.

Una nang inihayag ng asawa ni Angeles na maaaring may kinalaman sa politika ang pamamaslang dahil nakasagutan umano ng biktima ang pinsan ni Vice Mayor Carlos Sunga noong nakaraang voter registration ng Comelec.

Sinita umano ng biktima ang pinsan ng bise alkalde dahil sa pagpaparehistro raw ng mga botanteng hindi taga-Pampanga.

“Dahil nagbitaw po ng salita ‘yon sabi niya lahat tayo mamamatay sabing gan’un,” saad ni Ferly Angeles, asawa ng biktima.

Iginiit ni Sunga na wala siyang kaugnayan sa krimen, at sinabing maski siya ay nangangamba para sa kaniyang seguridad dahil sa mga natatanggap niyang banta sa social media.

Bago nito, umugong ang mga balita na magkakalaban sila ni Angeles sa susunod na eleksyon.

“Sana po, huwag niyo naman akong husgahan kaagad,” sabi ni Sunga na handa umanong sumailalim sa imbestigasyon. — Jamil Santos/FRJ, GMA News