Mateo Gravillo
  • Sex: Male
  • Occupation: pedicab driver
Incident Details
  • Date of Incident: March 23, 2018
  • Time of Incident: 11:30 pm
  • City of Incident: Manila
  • Province of Incident: Metro Manila
  • Killed by unknown assailants in public
Source(s)

Patay ang isang pedicab driver matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Tondo, Maynila.

Aminado ang anak ng biktima na gumagamit dati ng droga ang kaniyang ama.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita, kinilala ang biktima na si Mateo Gravillo, na nasawi sa Laurel Street dakong 11:30 ng gabi nitong Huwebes.

Napahiga mula sa kaniyang inuupuang sidecar si Gravillo, na may sideline din bilang miyembro ng demolition team tuwing may gigibaing kabahayan.

“Isang lalaki na naglalakad at may hawak ng baril at bigla siyang pinaputukan,” pahayag ni Chief Inspector Romeo Estabillo, Deputy Station Commander, MPD 1.

Ayon sa anak nitong si John Matt Gravillo, magkikita pa dapat sana sila ng ama bago nangyari ang insidente.

“Hinantay niya ako kasi ipapagawa nga namin ‘yung bike ko. Iiwanan ko sana siya ng panggastos niya,” sabi ng anak ng biktima.

Blangko si John Matt sa pamamaril, ngunit umaming dating nagdodroga ang kaniyang tatay.

“Mabait naman po iyan ma’am, ewan ko kung bakit ginaniyan siya. Hindi ko alam… Dati po iyan ma’am pero itinigil niya na po, ang alam ko.”

Wala rin daw nakakaaway ang kaniyang tatay.

Narekober sa crime scene ang limang empty shells at isang fired bullet ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

“Sana po mahuli na lang po ‘yung gumawa sa kaniya ng ganiyan,” sabi pa ni John Matt.

Patuloy na iniimbestigahan ang krimen. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News