Arnel Parce

- Sex: Male
- Occupation: barangay chairman
Incident Details
- Killed by unknown assailants in public
- Date of Incident: November 10, 2017
- Time of Incident: 8:00 pm
- Location of Incident: , Manila
Source(s)
Patay ang 10 katao, kabilang ang isang barangay chairman, sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril ng di kilalang mga salarin at operasyon ng mga pulis nitong Miyerkoles sa Kamaynilaan.
Sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila, nasawi ang tatlong tulak umano ng ilegal na droga matapos umanong manlaban ito sa pulis.
Kinilala ang tatlo na si Rolando Campo, 60; Sherwin Vita, 24; at isang alyas Kalbo, na pawang mga residente ng Sta. Barbara St. sa Tondo.
Pasado alas-12 ng tanghali isinagawa ng Manila Police District Station 2 ang buy-bust laban kay Campo.
Nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya agad itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga operatiba na gumanti naman ng putok.
Subalit sa CCTV footage na kuha ng isang residente, makikita ang mga pulis na pabalik-balik sa eskinita.
Isa sa mga operatiba ang gumalaw sa camera para ibaling ito sa ibang dereksyon.
Hindi rin umano nanlaban ang mga suspek.
Dinala sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang tatlo ngunit hindi na sila umabot ng buhay.
Ang asawa ni Campo ay naghihinagpis sa sinapit ng kaniyang asawa at dalawa nitong kasamahan.
“Sana po Presidente, pagsabihan niyo po ‘yang mga pulis ninyo, huwag pong patay nang patay. Para po iyang mga taong inosente, hindi po nadadamay. Kawawa naman po iyung mga pamilya. Katulad ko po,” aniya.
Barangay chairman, itinumba
Sa Tondo pa rin, isang barangay chairman ng Barangay 20, Parola ang pinagbabaril alas-8 ng gabi.
Nakikipagkwentuhan sa mga kapitbahay si Arnel Parce nang biglang may isang motorsiklong may dalawang sakay ang tumigil sa kanilang tapat.
Malapitan na pinagbabaril si Parce sa ulo at panga. Nakipagbuno naman ang caretaker ni Parce sa mga suspek kung saan siya ay natamaan sa balikat.
Maaaring dahil sa paglaban ng kapitan sa droga o pulitika ang nakikitang motibo ng pamilya Parce sa pamamaril.
Nabanggit na rin umano dati ng kapitan na may mga banta sa kanyang buhay at tila may nagmamatiyag sa kanya sa barangay.
Bagong laya, binaril
Isang tricycle driver naman ang tinambanganan ng dalawang di pa nakikilalang salarin sa Hulong Duhat Market, Malabon.
Ayon sa imbestigador, nilapitan ng mga salarin si Enrico Bernal at binaril ng dalawang beses.
Napag-alamang kakalaya lang ng biktima noong Mayo matapos makulong dahil sa paggamit ng ilegal na droga.
Sa Pasay City, patay din ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril.
Tinambangan si Rolando Almojelo, 41, ng mga di pa kilalang salarin sa Tramo St., Barangay 43 pasado alas-9 ng gabi.
Nag-iwan pa ng karatula ang mga salarin sa tabi ng katawan ng biktima. May nakasulat ito na, “MARAMI PA ANG SUSUNOD NA MAMAMATAY…UMIWAS NA KAYO SA DROGA.”
Ayon sa nakasaksi, isa sa tatlong sakay ng motorsiklo ang huminto sa kinatatayuan ng biktima at tatlong beses nagpaputok ng baril.
Aminado ang mga kaanak ni Almojelo na gumagamit ang biktima ng ilegal na droga.
Sampung minuto lang ang pagitan, patay din ang isang tulak umano ng ilegal na droga sa Tramo, Pasay.
Pinagbabaril ng mga di pa kilalang salarin si Andy Partan, 38. Nangyari ang insidente 300 metro ang layo mula sa pamamaril kay Almojelo.
Anim na lalaki ang pumalibot sa biktima at pinagbabaril ito.
3 pinatay sa Quezon City
Alas-11:30 naman ng gabi, patay ang tatlong lalaking pinagbabaril ng mga ‘di pa kilalang salarin habang nag-iinuman sa isang loobang eskinita sa Barangay Sangandaan, Quezon City.
Dead on the spot sina Charlie Roxas, 37, Jimbo Larroco, 29, at Joel Inocencio, 38.
Narekober sa lugar ang 15 basyo ng bala at 5 slug.
Ayon sa mga saksi, dumating ang mahigit 6 na lalaki sa Premium Extension St. atsaka nagpaputok.
Muntik nang maabutan ng putukan ang nakainuman nilang si Gloria Cabrillas na paalis na noon para umuwi sa ibang lugar.
Pero nanginginig pa rin siya dahil pinadapa sila ng mga salarin at tinutukan ng baril noong paalis ang mga ito.
Ayon sa isang saksi, walang mga takip sa mukha ang mga salarin at nakasuot lang ng mga t-shirt.
Ayon naman sa barangay, nasa drugs watchlist ang mga biktima at nasangkot din sa away noong hapon bago ang pamamaril. – ulat ni April Chiang Rafales, Kristine Sabillo, Anjo Bagaoisan, at Fred Cipres, ABS-CBN News; DZMM